Sa taong ito, mauulit ang isa sa naging pinakaaabangang salpukan ng dalawang teams sa NBA, ang San Antonio Spurs at ang Miami Heat. Ang Spurs at ang Heat ay nagkita na noong finals ng nakaraang taon, kung saan nanalo ang Heat pagkatapos ng 7-game series.
Ngayong 2014, nakahanda na ang lahat para sa pangalawang taong pagkikita ng mga ito sa finals—ang Spurs na gutom na maagaw ang titulo at ang Heat na nasa isang paglakbay patungo sa basketball immortality.
Ang inaabangang pagpapalabas ng rematch ng dalawang team na handog ng ABS-CBN para sa Pinoy audience ay mag-uumpisa na ngayong Biyernes (Hunyo 6) ng 9:15am. Ngayong taon, papasok sa finals ang San Antonio Spurs bilang underdog muli. Makakalaban nila ang sinasabing pinakamahusay sa liga na si Lebron James, na itatapat sa mga beteranong sina Tim Duncan, Tony Parker, at Manu Ginobli. Alam ng Spurs na ang paggiba sa Heat ay magiging isang matinding pagsubok sa kanila, at para makamit nila ang titulo, kailangan nilang ipakita ang lahat ng experience, teamwork, at poise na nakapagdala sa kanila sa finals. Ang lider ng San Antonio na si Tim Duncan ay naghahanda para sa ibang resulta ng finals ngayong taon. Sa isang interview sa TNT, sinabi pa niya, “We’ll do it this time.”
Ang Spurs ay may home court advantage ngayong taon sa finals, kung saan ang format ay magiging 2-2-1-1-1 sa halip ng dating 2-3-2 na format.
Ngunit, ang Miami Heat ay gutom na gutom din para sa titulo. Hinaharap nila ang pagkakataong masungkit ang 3-peat at bagong NBA dynasty—kaya’t sina Lebron James at ang Miami Heat ay handang ipatuloy ang kanilang galing sa court. Kasama pa sa Heat ang mga beteranong sina Dwayne Wade at Chris Bosh na handang suportahan ang dominanteng paglaro ni James para makuha ng Heat ang 2014 championship.
Magsisimula ang finals ngayong Biyernes (Hunyo 6) sa ABS-CBN ng 9:15am at sa replay nito sa ABS-CBN Sports + Action ng 7:00pm. Ang mga susunod na laro, game 2, 3, at 4 ay mapapanood din sa ABS-CBN sa Hunyo 9, 11, at 13 ng 9:15am na may replay sa ABS-CBN Sports + Action ng 7:00pm. Para sa mga update, bisitahin ang official website (www.sports.abs-cbn.com).