PATAY ang tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nang salpukin ng kanyang minamanehong motorsiklo ang poste ng Meralco sa kanto ng Julia Vargas at Lanuza Sts., sa lungsod ng Pasig.
Sa ulat na nakarating kay Supt. Abelardo Villacorte, EPD-director, kinilala ang namatay na si Joel Acanto, nasa hustong gulang, MMDA enforcer.
Sa imbestigasyon ni P03 Cristino Silayan, sakay ang biktima ng motorsiklo (3599-WN) nang biglang sumalpok sa poste ng Meralco dakong 12:00a.m.
Ayon sa mga nakasaksi, posibleng nakaidlip si Acanto dahil sa matinding pagod sa kasasaway sa mga driver na sumusuway sa batas trapiko.
Isinugod ng mga tauhan ng rescue team sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dakong 2:00 a.m.
(ED MORENO)