HINDI pumatok sa Palasyo ang drama ng whistleblower na si Sandra Cam sa pagharang sa kompirmasyon ni Justice Secretary Leila de Lima sa Commission on Appointments (CA) kahapon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, lahat ng alegasyon ni Cam laban kay De Lima ay nasagot ng justice secretary, gaya ng sinasabing pagbalewala sa impormasyon na tumakas palabas ng bansa ang magkapatid na dating Palawan Gov. Joel Reyes at Mario Reyes, akusado bilang mga utak sa pagpatay sa environmentalist at jourmalist na si Gerry Ortega.
Binigyang diin pa ni Lacierda na nananatili ang tiwala ng Palasyo sa kakayahan ni De Lima.
“I think the allegations against Secretary Leila de Lima are with respect to Governor Joel Reyes and she has already responded to them. But insofar as her performance, her competence, her confidence, we continue to trust on the competence and (have) confidence on Secretary Leila de Lima,” sabi pa ni Lacierda.
Tiniyak pa ni Lacierda na sakaling hindi lumusot ang appointment ni De Lima at Social Welfare Secretary Dinky Soliman ay magkakaroon naman ng ad interim appointment, kaya mananatili pa rin sila sa pwesto.
(ROSE NOVENARIO)