Irereklamo sa Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) ni Boracay West Cove chief executive Crisostomo Aquino si ABS-CBN broadcaster Ted Failon sa halos tatlong taon nang paninira sa naturang establisimyento nang hindi ibinibigay ang kanilang panig.
“Halos tatlong taon nang binabanatan ni Failon ang Boracay West Cove sa kanyang mga programa sa radio at telebisyon pero kahit minsan ay hindi niya ibinigay ang aming panig,” ani Aquino. “Masyado niya akong pinepersonal sa kanyang mga programa, bakit ang West Cove lang ang nakikita niya?”
Dinismis kamakailan ng Office of Ombusdman sa Visayas ang dalawang kasong isinampa ni Gen. Tinio (Nueva Ecija) Mayor Virgilio Bote laban kay Aquino at sa mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Malay, Aklan.
Nilinaw sa desisyong inaprubahan ni Ombusdman Conchita Carpio Morales na ang DENR ang may solong hurisdiksiyon sa Boracay West Cove sanhi ng Flag-T contract nito para para paunlarin ang nasabing lugar na isang kagubatan o forest land kaya hindi kabilang sa 25 plus 5 meters easement na ipinatutupad sa Boracay shoreline.
May hinala si Aquino na si Bote ang nasa likod ni Failon kaya laging paksa sa programa niyang “Failon Ngayon” sa radio at telebisyon ang paninira sa Boracay West Cove.
“Ang daming puwedeng banatan ni Failon pero ang Boracay West Cove ang nakikita niya kahit tumutupad kami sa batas sa bisa ng Flag-T contract sa DENR,” diin ni Aquino. “Lagi siya sa Boracay, bakit hindi niya makita ang mga lumalabag sa 25 plus 5 buffer zone kapag high tide?”
Inihabla na rin ni Aquino si Bote ng kasong falsification of public documents sa paggamit ng mga pekeng dokumento para kamkamin ng kompanya nitong ATOM ang dalawang ektaryang lupain sa tabi ng Boracay West Cove. (HNT)