ni Roldan Castro
MULI na namang nanguna ang ABS-CBN sa buong bansa matapos subaybayan sa mas maraming kabahayan ang mga programa nito kompara sa ibang TV channels noong Mayo. Pumalo ang average audience share nito sa 44% para sa nasabing buwan, base sa datos ng Kantar Media.
Agad na umariba ang singing-reality show na The Voice Kids bilang numero unong programa sa buwan ng Mayo dahil sa average national TV rating nito na 34.1%. Kumapit agad ang mga manonood sa pilot episode pa lamang nito noong Mayo 24 na nagtamo ng national TV rating na 33.3%.
Bukod sa The Voice Kids, nilimas din ng iba pang programa ng ABS-CBN ang lahat ng puwesto sa listahan ng top 10 shows na pinakapinanonood sa buong bansa noong Mayo. Kabilang dito ang Dyesebel (30.6%), Ikaw Lamang (30.5%), Maalaala Mo Kaya (28.6%), Wansapanataym (26.3%), The Legal Wife (26%), TV Patrol (25.6%), Rated K (22.3%), Mirabella (20%), at ang Bet On Your Baby, at Home Sweetie Home (19.5%).