Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang anim na menor de edad sa isang gay bar sa Quezon City, Miyerkoles ng madaling araw.
Lima ang lalaki at isang babae may edad 10, 14, 11 at lima, ang nailigtas mula sa Matikas Entertainment Bar sa kanto ng Roosevelt at Quezon avenues.
Ayon kay Salve Sion, spokesperson ng human trafficking division ng Social Services Department ng Quezon City, sa naturang bar tumutuloy ang paslit at 5 teenager dahil isa sa ina ng mga menor de edad ay singer sa bar.
Depensa ng ina, sa bar na niya pinapatuloy ang mga bata upang mabantayan niya.
Dadalhin ang mga nailigtas na menor de edad sa reception and action center sa Payatas upang maalagaan ng awtoridad hanggang kunin sila ng kani-kanilang pamilya.
Ayon kay Atty. Dante Bonoan, hepe ng anti-human trafficking division ng NBI, isang linggo nilang inobserbahan ang bar matapos makakuha ng tip sa deputy director ng ahensya hinggil sa mga menor de edad na nakikita sa lugar.
Sa kanilang pagmamanman, naaktohan ang 11 lalaki na nagsasayaw nang hubad sa gay bar na anila’y acts of prostitution.
Posibleng maharap sa kasong kaugnay sa use of traffic victim ang sino mang mapatunayang customer ng bar.
Inihahanda ng awtoridad ang ikakaso laban sa may-ari ng bar, dahil sa paglabag sa anti-human trafficking act habang kakasuhan din ang ina ng isa sa mga menor de edad kaugnay ng child abuse.