LUMABAS NG OSPITAL SI CARMINA SA TINGIN KO LALONG NANGAYAT AT LALONG NANGHINA PERO WALA AKONG MAGAWA
Inilaan ko ang oras ng alas-sais ng hapon sa araw ng kinabukasan sa pagpunta sa ospital. Magbibiyahe muna ako ng traysikel hanggang ala-singko. Gusto kong sa pagdalaw kay Carmina ay mayroon akong mabibitbit na paborito niyang lansones o anumang napapanahong prutas.
Pero kinabukasan, mag-aalas-singko lang ng hapon ay nadaanan ko sa pamamasada ng traysikel ang pag-ibis sa taksi ni Carmina, inaalalayan siya ni Arsenia at ng inang si Aling Azon sa magkabilang punong-braso. Halos hindi niya maihakbang ang mga paa.
Pagkahatid ko sa pasahero ay nagpunta agad ako sa bahay nina Carmina. Nakaupo siya sa mahabang bangko, nakasandal ang likod sa gilid ng pasimano ng bintana, at nakahilig sa balikat ng katabing si Arsenia. Panay ang paypay sa kanya ni Aling Azon. Pinatindi ang init ng panahon ng yerong dingding at kawalan ng kisame ng bubong ng kanilang bahay.
Ngiti pa rin ang isinalubong sa akin ni Carmina.
“Me doktrina mamaya,” ang masigla niyang sabi sa akin. “Ang nanay at kapatid kong si Abigail ay nagpapadoktrina na. ‘Pag nasa tamang edad na si Obet, siya man ay dodoktrinahan din.”
Idinulot sa akin ni Aling Azon ang sil-yang mauupuan. Naupo ako, nakatuon ang pansin kay Carmina.
“Sana, magpadoktrina ka na rin,” sabi niya sa akin na may lambing.
Tumango ako hindi dahil sa pagpayag. Gusto ko lang pagbigyan si Carmina. Pero hindi ko sukat akalain na malaking kasiglahan na pala ang dulot niyon sa kanya. Nagkaroon ng ningning ang mga mata niya nang pasalamatan ako.
Sa tingin ko, may dinaramdam pa sa katawan si Carmina. Nang kumustahin ko siya, hinawakan at pinisil niya ang aking kamay. Pinauwi na raw siya ng doktor ng ospital.
“Sa bahay na lang daw ako magpaga-ling,” aniya na nakatitig sa aking mukha. “’Wag mo ‘kong alalahanin.”
Pero sa paglipas ng mga araw, imbes bumuti ay lalo pang nanghina si Carmina. Naratay siya sa higaan. Malaki ang ipinamayat at nilalabasan ng dugo ang mga gilagid at ilong.
Magutay-gutay ang puso ko pagkakita sa kanya.
“Minay!” mahinang nasambit ko sa panlulumo.
Yumugyog ang mga balikat ni Aling Azon nang hawakan ko siya sa mga pagtatanong: “B-ba’t po nagkaganyan si Minay? Ano’ng sakit niya?” (Itutuloy)
ni Rey Atalia