HINIMATAY SI BAMBI NANG MAKITA ANG ENGKANTO SA LIKOD NG ASAWA NI INGKONG EMONG
Malakas ang halakhakan sa isang mesang okupado ng tatlong kalalakihang kostumer ng karaoke bar na may kateybol na magaganda at seksing GRO. Walang anu-ano’y bigla na lang lumitaw ang isang mabalahibong kamay na may mahahaba at matutulis ang mga kuko. At hinila nito ang dila ng isang GRO na humahagik sa pagtatawa. Humaba ‘yun nang pagkahaba-haba. Tigagal na nahintakutan ang mga kasamahan sa mesa ng GRO na bumulagta sa sementadong sahig.
Nagtilian ang mga kababaihan. At nag-kagulo ang lahat sa loob ng karaoke bar.
Noon naman ay nagtatatarang si Bambi sa pagtawag-tawag kina Zaza at Zabrina habang hawak nito ang pag-aaring cellphone. Paglapit ng mga kasamahang tinawag sa kanilang pangalan ay nanginginig na ito sa takot.
“T-tingnan n’yo… T-tingnan n’yo ‘to…” sabi ng baklita sa pag-aabot ng cellphone kina Zaza at Zabrina.
Pinagmasdang mabuti ng dalawang dalaga ang video footage na kuha sa cellphone ni Bambi. Kitang-kita roon na sa gawing likuran ng asawa ni Ingkong Emong ang imahe ng isang maligno na nakangisi.
Halos lumuwa ang mga mata nina Zaza at Zabrina sa pagkahumindik.
Ay! Si Bambi!
Nawalan ng ulirat ang baklita at lumagabog ang katawan nito sa sahig.
Naisipan nina Roby at Zaza na mamili ng kanilang mga pangangailangan sa isang convenience store sa kabayanan. Hatinggabi na ay buhay na buhay pa rin doon ang kapaligiran. Maraming tao sa paligid. Yao’t parito ang mga sasakyan.
Magkahawak-kamay na ang magkasintahan sa paglalakad-lakad sa isang kalsada habang panay ang kanilang pagkukwentuhan. At sa pagitan ng pag-inom-inom ng softdrinks sa tin can at pagkukot-kukot ng sitsirya ay pinaksa nila ang magiging laman ng kanilang thesis.
“Kung isasama natin sa thesis ‘yung pagkakuha ng larawan ni Bambi sa maligno ay baka pagtaasan lang tayo ng kilay ng prof natin… o baka pagtawanan pa tayo,” nasabi ni Zaza kay Roby.
“Bigla na lang kasing na-delete ‘yun sa photo gallery ng cp ni Bambi, e,” naikatwiran ng binata sa nobya.
(Itutuloy
ni Rey Atalia