WALANG pang posisyon ang Malacañang sa panukala ni Senador Antonio Trillanes IV na dapat bumuo si Pangulong Benigno Aquino III ng Truth Commission para magsagawa ng independent investigation sa pork barrel scam.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, kailangang pag-aralang mabuti ang panukala.
Ayon kay Valte, wala pang posisyon si Pangulong Aquino sa panukalang paglikha ng Truth Commission dahil hindi pa ito napag-uusapan sa Malacañang.
Batay sa panukala ni Trillanes, kailangang magtatag ng Truth Commission na bubuuin ng mga taga-media, academe at judiciary upang patas na maimbestigahan ang mga personalidad na nadadawit sa pork barrel scam.
Magugunitang ang Truth Commission ay una nang ipinanukala ni Pangulong Aquino sa pamamagitan ng Executive Order 1 para imbestigahan ang mga anomalya sa Arroyo administration ngunit idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional.
(CYNTHIA MARTIN/ROSE NOVENARIO)