LALO AKONG NAG-ALALA SA KALAGAYAN NI CARMINA NA TUYOT MAPUTLA ANG MUKHA AT MAMAD ANG MGA LABI
Wala akong pera maliban sa laman ng aking bulsa na mahigit otsenta pesos na kinita sa pamamasada. Humahakbang akong palapit sa mag-inang Aling Azon at Amita ay lumilipad ang isip ko.
“Nariyan ka pala,” ang bati ni Aling Azon na nagpanumbalik sa aking diwa na naglalakbay.
Tango ang isinagot ko sa matandang babae.
Kumirot ang dibdib ko sa nakitang ka-lagayan ni Carmina. Tuyot ang kanyang maputlang mukha. Mamad ang mga labi. At lalong naging matingkad ang mga pasa niya sa katawan na mala-kulay-talong. Sa uluhan ng kama ay naroon ang nakatayong metal na pinagsasabitan ng dextrose at bag ng dugo. Ang kanan at kaliwang braso niya ay parehong may nakakabit na mahahabang karayom. Litaw ang nagngangalit na ugat sa kanyang mga bisig.
Mahimbing ang tulog ni Carmina nang dumating ako ng pagamutan. Umalis ako roon ay tulog pa rin siya. Nagpaalam ako kay Aling Azon na may pangakong magbabalik doon kinabukasan.
Paglabas ko ng silid-pagamutan, inabutan kong pinipigilan si Arsenia ng guwardiya na makapasok sa kanyang pinanggalingan.
“Sumusunod lang kami sa utos,” pangangatwiran ng bantay. “Lampas na ang oras ng dalaw.”
Hindi nakipagtalo si Arsenia sa guwardiya.
Nalingunan niya ako nang humakbang itong palayo sa masungit na bantay.
Sa akin inireklamo ni Arsenia ang mahigpit na pagpapatupad ng guwardiya sa patakaran ng pagtanggap ng dalaw ng pagamutan. Pero hindi ko napigilan ang biglaang pagtatanong: “Ano ba talaga ang sakit ni Minay?”
“Wala akong alam” ang maagap na sagot ni Arsenia.
“Nabanggit noon ni Minay na sekretarya ka raw sa klinika ng tiyuhin mong doktor,” sabi ko, nasa alaala ang tagpong ipinakikilala ako sa kanya ni Carmina.
“Kahit paano siguro ay nakakaintindi ka sa mga sakit-sakit,” dugtong ko.
Umiling si Arsenia. “A-ang alam ko lang, irekord ang pangalan at address ng nagiging pasyente namin, kuhanan sila ng temperatura at BP. Takbo rito takbo ro’n sa mg autos ng uncle ko. Ganu’n lang…”
Napatungo ako na mandi’y pagkabigat-bigat ng ulo. Matagal kaming nawalan ng kibuan ni Arsenia.
“Ihahatid na kita hanggang sa sakayan mo,” putol ko sa pananahimik. (Itutuloy)
ni Rey Atalia