Nakasilat muli ang kabayong si Pugad Lawin ni Jesse Guce laban sa outstanding favorite na si Hagdang Bato ni Unoh Hernandez sa isinagawang “PCSO SILVER CUP” nung isang hapon sa pista ng Sta. Ana Park sa Naic, Cavite.
Ayon sa mga klasmeyts na aking nakausap ay mas maganda ang itinakbo at pangangatawan sa ngayon ni Pugad Lawin kumpara kay Hagdang Bato base sa napanood nila nung Linggo. Kaya sa kinalabasan ng tampok na pakarerang iyan ay matatanggap nila na nabigo ang mas inaasahan nilang si Hagdang Bato kumpara sa huling laban nila nung Disyembre sa pista ng SLLP na nagkaroon ng abirya sa largahan ang kampeong mananakbo.
Humanga rin ang nakararami kay Pugad Lawin dahil sa imbes na siya ang magdikta ng harapan ay isinunod lamang ni Jesse at saka inayudahan ng husto pagpasok sa medya milya at dun nagtuloy-tuloy na dinaanan lamang ang dala ni Unoh sa rektahan.
Naorasan ang karerang iyon ng 2:07.4 (25’-24’-25’-24’-27’) para sa distansiyang 2,000 meters. Congrats sa may-ari ni Pugad Lawin na si Ginoong Tony Tan Jr., hineteng si Jesse Guce at kay trainer Ruben Tupas.
0o0
Napatawan ng isang taong suspension ng mga Board Of Stewards (BOS) sa SLLP ang hineteng si Francis A. Tuazon matapos makita, marebisa at marinig ang panig niya nitong nagdaang Biyernes.
Base na rin sa mga BKs na nakapanood ay kitang-kita at halata ang pagdadalang nagawa ni Francis pagsungaw sa rektahan, lalo na sa loob ng huling 100 metro na kung saan ay napanganga ang dala niyang si Red Cloud dahil sa sobrang higpit ng renda. Sa puntong iyon ay maraming karerista ang nakapag-dugtong kaagad na hindi malayong matawagan at masuspinde.
Sana sa ganyang usapin na pagsuspinde ng hinete ay harinawa’y maging parehas ang mga BOS mula sa tatlong karerahan na matutukang mabuti at maghigpit ng balanse, lalo na sa mga kilalang class-A rider na ramdam ang mga style sa ibabaw kung paano maipapatalo ang kanilang sakay. Iyan lamang ang hangad ng lahat ng mga mananaya at mga ibang hinete na nasa class-C at D na madalas na madaling patawan ng suspensiyon.
Fred L. Magno