KASUNOD ng maagang pagkatalo nina Venus at Serena Williams sa French Open, malaki ang pag-asa ng Estados Unidos na sumikat sa torneo ang 18-anyos na phenomenon na si Taylor Townsend.
Makaraan ang three-set victory kontra 20th seeded Alize Cornet ng Pransya, hinirang si Townsend bilang pinakabatang American na nag-advance sa ikatlong round simula nang gawin ito ni Ashley Harkleroad noong 2003.
Sa ngayon ay isang hakbang ito tungo sa pag-angat niya sa hanay ng mga tennis player sa mundo. Nanalo siya sa 2012 Australian Open junior tournament at na-ging finalist sa 2013 Wimbledon junior tournament. Noong 2012 naitala siya bilang top-ranked junior girl sa mundo.
Napagtagumpayan din ni Townsend ang usapin na kinahaharap ng karamihan ng mga highly rated tennis player—ang kanyang timbang. Sa katunayan, naging concerned ang United States Tennis Association sa kanyang fitness kaya tumangging ilahok siya sa 2012 junior U.S. Open. Nang panahong iyon, siya ay may taas na 5-talampakan-6-na-pulgada at tumtimbang ng 170 libra.
Ang ginawa ni Townsend siya ang nagbayad ng sarili niyang entry fee para makapasok sa torneo at nakarating naman siya sa quarterfinals. Ayon sa USTA coach niyang si Zina Garrison, ito ang nagpalakas sa kanya bilang tennis player.
Kinalap ni Tracy Cabrera