DAHIL hindi matalo-talo sa tong-its, pinagtulungan saksakin ang isang obrero ng dalawang suspek habang pumipinta ng baraha sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kritikal sa Valenzuela Medical Center (VMC) ang biktimang si Matt Vicente, 31-anyos, ng 206 Barrio Bitik, Brgy. Gen T. De Leon, sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Agad naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Esmeraldo Ocenar, 39, mekaniko, at Tommy Cases, nasa hustong gulang, kapwa ng 60 Kapisanan ng Anak ng Dalita Compound, Serrano St., Brgy. Marulas, nahaharap sa kasong frustrated murder.
Nabatid, maaga pa’y nakikipag-tong-its ang biktima kalaban ang mga suspek hanggang talunin at ubusin ni Vicente ang pera ng mga kalaban.
Sa salaysay ng isang testigo, umalis ang mga talunang suspek pero agad bumalik, pinagmumura si Vicente saka pinagsasasaksak.
(rommel sales)