DINAGSA ng sandamakmak na manonood ang Maybe This Time ng Star Cinema at Viva Films. Patok na patok talaga ang unang tambalan sa pelikula nina Sarah Geronimo at Coco Martin na sa opening day ay kumita agad ito ng P20 milyon sa takilya.
Pinatunayan ng tagumpay nito sa box office ang lakas ng unang tandem sa pelikula ng ABS-CBN Primetime King na si Coco at ng Box-Office Queen na si Sarah. Balita rin namin, as of Saturday ay higit P60 milyon na ang kinikita ng movie’ng ito na mula sa pamamahala ni Direk Jerry Lopez Sineneng.
At dahil nadagdagan pa ang mga sinehan nito na from 167 ay naging 180 theaters na nationwide as of Sunday (June 1), plus ang pagbabalik sa Metro Manila ng mga estudayante mula bakasyon, tiyak na lalo pang lalaki ang kita ng naturang pelikula.
Sa Maybe This Time rin pinatunyaan ni Coco na hindi lang siya sa telebisyon malakas, kundi pati sa takilya rin.
Ang Maybe This Time ay isinulat nina Anton Santamaria at Melai Monge. Ito ay isang love story tungkol sa dalawang tao na matututunan ang kahalagahan ng pagiging totoo sa kanilang mga sarili upang magwagi at manaig ang pag-ibig sa kanilang mga buhay. Lasapin ang tamis ng Valentines ngayong summer at mainlab kasama sina Coco at Sarah sa Maybe This Time. Bahagi ito ng ika-20 anibersaryo ng Star Cinema.
Tampok din sa Maybe This Time sina Ruffa Guttierez, Ogie Diaz, Dennis Padilla, Marlann Flores, Zeppi Borromeo, Garlic Garcia, Minnie Aguilar, Boboy Garovillo, at Shamaine Buencamino.
Incidentally, double victory ito para kay Sarah dahil bukod sa pagtabo sa takilya ng pelikula nila ni Coco ay wagi rin ang Popstar Princess sa nakaraang 22nd World Music Awards na ginanap sa Monaco noong May 27.
Nanalo si Sarah para sa Best-selling Filipino Artist category sa star-studded na event na ginanap sa Monte Carlo Sporting Club.
Isa si Sarah sa 20 artists mula sa iba’t ibang bansa kabilang ang United States, Great Britain, China, at Korea, na nanalo ng award. Kabilang pa sa pinarangalan dito sina Mariah Carey, Miley Cyrus, One Direction, Beyonce, Justin Timberlake, Ricky Martin, at iba pa.
NASH AGUAS, EXCITED SA UNANG INDIE MOVIE
BAKAS ang excitement sa mukha ni Nash Aguas nang makahuntahan namin ito sa birthday celebration ni katotong Rommel Placente last Sunday. Naibalita ni Nash na sa unang sabak niya sa indie film ay matutupad ang pangarap niyang makagawa ng action movie.
“First time ko po gagawin ito talaga and natutuwa ako na dumating itong project na ito. Kasi, sa tinagal-tagal ko nang nagso-showbiz ay pangarap ko talagang gumawa ng action… iyong action po talaga. Wala pa pong title ito, first shooting pa lang namin noong May 20. Hopefully, abangan ng mga tao ang movie na ito. Kasi, eto na ‘yun e,” saad ng 15 year old na bagets.
Kasama ra sa pelikula sina Ejay Falcon bilang tatay niya, Phillip Salvador, Paul Salas, at iba pa.
“Ang role ko po sa movie ay parang batang kalye po ako dito, lumaki ako sa Tondo. So, yung tatay ko ay isa siyang hitman at lumaki ako na malayo ang loob ko sa kanya. So, nagrerebelde ako nang nagrerebelde hanggang sa natuto na akong humawak ng baril.
“Tatay ko po rito si Ejay and wala po akong love-team dito, talagang hard action lang po ang makikita rito. Ang direktor po namin dito ay si Direk Toto Natividad.”
Nang usisain namin kung hindi kaya manibago ang kanyang fans na sanay na nakikita siyang nagpapa-cute sa youth oriented Sunday TV show nilang LUV U sa Kapamilya Network, ito ang naging sagot ni Nash.
“Oo nga po e, kaya nga e, sana maintindihan nila na nagbabago rin naman. So feeling ko naman, magugustuhan nila, kasi may drama rin dito. More on naka-focus sa drama ‘yung movie e. Tapos parang yung action, parang side lang. Parang kumbaga sa cake, iyon ‘yung icing, iyong mga action scenes.”
ni Nonie V. Nicasio