MALAWAKANG kilos-protesta ang isasalubong ng mga guro sa pagbubukas ng klase ngayong araw.
Ayon Congressman Antonio Tinio ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) layunin ng kilos-protesta na ipanawagan ang hirit na umento sa sahod para sa mga public school teacher at iba pang empleyado ng pamahalaan.
”May panawagan ang Alliance of Concerned Teachers na mass leave kung hindi magbibigay ng salary increase ang Aquino administration.”
Ngayong araw, magdaraos ng kilos-protesta ang mga miyembro ng ACT sa Mendiola kasabay sa Visayas at Mindanao.
Aniya pa, ngayong 2014 ang ikalawang taon na hindi nadagdagan ang sahod ng mga empleyado ng pamahalaan, bukod sa mga guro.
Noong 2012 pa ani Tinio, huling nataasan ang sweldo ng mga public school teacher na may tinatayang dami na 600,000.
Partikular nilang hihilingin na itaas sa P25,000 ang buwanang sahod ng public school teachers mula sa kasalukuyang P18,500 na starting salary.
Ihihirit din nilang itaas mula P9,000 hanggang P15,000 ang buwanang sahod ng entry level employee.
Ani Tinio, kritikal din ang inihihirit nilang wage increase lalo’t isinasapinal na ang proposed budget para sa 2015.
”Kung hindi pa rin pakikinggan ng Malakanyang, hahantong ito sa mass leave, essentially, welga ito. Nagawa na ito in the past ng mga teachers, ayaw naman talaga ng mga teachers na gawin ito pero kung wala na talagang paraan eh paghahandaan ito at isasagawa,” babala ni Tinio.