PAMINSAN-MINSAN ay nakababalita tayo ng isang mayamang tao na nagpatayo ng kanyang ‘doomsday shelter’ o bunker para maging ligtas sa anumang sakunang maaaring mangyari sa kinabukasan.
Madalas nakatatawa ang mga balitang ganito dahil hindi lamang kabaliwan ang pagpapagawa ng ganitong tahanan kundi pagsasayang lang dahil tiyak na hindi magiging epektibo ito kung mangyari ang hindi inaasahan.
Bukod dito, kung tamaan man ng isang meteor ang mundo, nakatitiyak na maaawasak ang bunker kasama ng iba pang mga estrukturang gawa ng tao, kahit na ito ay ginawa sa ilalim ng lupa.
Hindi pa natin nababanggit ang lahat ng pagkain na kailangang iimbak sa loob sa sandaling magkaroon ng pandaigdigang kalamidad. Gayon pa man, hindi rin masama na maging handa sakaling maganap ito.
Siyempre, umaasa tayong laat na hindi mangyari ang anomang natural na kalamidad, subalit kung mangyari man ito, maaaring makabuting manuluyan sa isa sa mga bunker na tulad ng nasa larawan para makaligtas.
Nagdesisyson ang mga arkitekto sa KWK Promes na gawing realidad ang ‘bunker idea’ at bumuo ng ‘ultimate-above-ground-fortress’ na makasu-survive sa anomang kalamidad o sakuna. O dili kaya ay makaligtas kung sakaling tauhin ang mundo ng dambuhalang hukbo ng mga zombie.
Sa araw, normal ang hitsura ng bahay subalit sa gabi ay nagbabago ito ng anyo at hugis. Magsisimulang magsara ang malalaking concrete block na nasa tabi ng mga bintana, at pagugulungin ang isang malaking bakal na pinto para takpan ang likod ng tahanan.
Ang tanging paraan para pasukin ang tinaguriang ‘zombie fortress’ ay sa pamamagitan ng isang drawbridge na tumutulay sa pool area sa labas.
Kinalap ni Tracy Cabrera