PATONG-PATONG na kaso, kabilang ang human trafficking, ang kinakaharap ng may-ari ng nasunog na bodega na ikinamatay ng walong babaeng empleyado kamakalawa ng hapon.
Sinampahan din ng Pasay City Prosecutor’s Office ng kasong negligence resulting in homicide at paglabag sa city ordinance sa pag-operate ng negosyo nang walang permiso si Juanito Go. Ang 68-anyos Chinese national, may-ari ng electronics shop na Asia Metro Tech Inc., ay inaresto makaraan ang sunog sa kanyang bodega sa Samonte Street, Brgy, 47, na ikinamatay ng walo niyang mga babaeng empleyado. Walo pang mga biktima ang sugatan sa sunog.
Ang mga biktima ay namatay sa suffocation nang hindi makalabas mula sa kanilang naka-padlock na kwarto nang sumiklab ang apoy dakong 1 a.m. nitong Biyernes.
Natagpuan ng mga bombero ang patong-patong na mga bangkay ng mga biktima sa likod ng pintuan.
Ang ibang mga biktima ay nakalabas sa pamamagitan ng pagtalon mula sa bubong ng gusali.
Ayon kay Brgy. 47 Chairwoman Lucilla Corpuz, sinabi ng mga nakaligtas na ikinulong sila ni Go sa loob ng kanilang kwarto.
Tatlong araw lamang aniya ang ibinigay na day-off kada taon ni Go sa kanyang mga empleyado.
“According doon sa mga empleyadong babae na nakaligtas, hindi daw sila pinalalabas at ang kanilang day off ay 3 beses lamang sa isang taon. So lalabas every 4 months lang daw,” ayon kay Corpuz.
“At hindi po isa-isa kundi nakasakay sila sa isang van at kasama rin nila yung kanilang manager,” aniya pa.
Ang mga empleyado na ni-recruit ni Go sa Negros Oriental, ay hindi rin pinahihintulutan ng gamitin ang kanilang cellphones.
“Kapag nahuli silang nagse-cellphone agad silang pinauuwi ng probinsya,” dagdag pa ni Corpuz.
(HNT)