SINALAKAY ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang telemarketing company na sinasabing illegal ang operasyon at naaresto ang dalawang foreign nationals, at 28 iba pang naaktohan sa operasyon sa Mandaluyong City.
Kinilala ni NBI Director Virgilio Mendez ang mga nadakip na sina David Gilinsky, Canadian national, may-ari ng PROACT Telemarketing Inc., residente ng #3009 Tivoli Residences, Mandaluyong City, at Paul Fisher, British national, nagsisilbing trainer, at residente ng One Triangle, Makati City.
Kabilang din sa dinampot at kasalukuyang nakapiit sa NBI detention facility, ang 28 researchers ng kompanya, na pawang mga Filipino.
Sa ulat ni Head Agent Ronald Aguto ng NBI-Cyber Crime Division (CCD), nitong Mayo 7 nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa paggamit ng computer data program sa input and access ng nasabing kompanya na hindi awtorisado.
Isinailalim ang mga suspek sa serye ng surveillance operations at nakompirma ang illegal na aktibidad kaugnay sa paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
(LEONARD BASILIO)