BINALEWALA ng Palasyo ang ulat na may namumuong Hyatt 10 part two o ang sabay-sabay na “withdrawal of support” ng cabinet members kay Pangulong Benigno Aquino III.
Kasunod ito ng ulat na hindi na masaya si Finance Secretary Cesar Purisima sa adminstrasyong Aquino at nakatakda nang magbitiw sa gabinete para lumipat sa kampo ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., wala siyang nakikitang indikasyon na may katotohanan ang ulat na “unhappy” na si Purisima sa PNoy administration.
Sa kanyang column sa Manila Times, sinabi ni Rigoberto Tiglao, ayon sa kanyang sources, hindi na masaya si Purisima sa kanyang trabaho at namumuhi na sa matinding pressure mula sa mga negosyanteng malapit kay Pangulong Aquino kaya’t magbibitiw na siya sa tungkulin.
Giit pa ni Tiglao, lilipat aniya si Purisima sa Binay camp upang tumulong sa pangangalap ng campaign funds para sa pagtakbo ng Bise-Presidente sa 2016 presidential elections.
Itinanggi rin ni Coloma na babalasahin ni Pangulong Aquino ang kanyang gabinete.
“As far as I can see from where I stand, there is no imminent plan of a Cabinet reshuffle or a Cabinet revamp,” ani Coloma.
Magugunitang sabay-sabay nagbitiw sa tungkulin ang sampung cabinet members ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006 bunsod ng Hello Garci scandal.
(ROSE NOVENARIO)