NAGSASAYANG ang bansa napakaraming tubig at kung ang Israel ay may 10 porsyento ng tubig na ating sinasayang, ito ay lalo pang magpapatatag sa malawak nang food production ng nasabing bansa.
Ito ang inihayag ng Israeli members ng Philippines-Israel Business Association na miyembro rin si inventor-agriculturist Gonzalo Catan, Jr., executive vice president ng Mapecon Green Charcoal Philippines, Inc. at ang kanyang misis, ang dating si Nancy Russel.
Ipinagtaka ni Catan na ang bansa ay maraming tubig dulot ng malakas na pag-ulan ngunit hindi sapat sa panahon ng tag-tuyot kaya nagreresulta ito sa matinding pagkalugi sa produktong agrikultura sa bilyon-bilyong halaga.
Nagkakaroon ng maraming tubig ang bansa sa panahon ng tag-ulan ngunit walang sapat na tubig tuwing summer, aniya, idinagdag na ang ulan ay para sa mga pataniman ay hindi para sa karagatan.
Hindi ito ang magiging senaryo kung tayo ay may mahusay na water management program. Sa tulong ng gobyerno, ang mga magsasaka ay maaaring magtayo ng water impounding mini dams katulad ng sa ilang bahagi ng Cordillera region na mayroong maliliit na impounding dams upang mapahupa ang epekto ng tagtuyot sa mga pananim.
Sa panahon ng tagtuyot, ang Cordillera ay may bahagyang pinsala lamang sa mga pananim dahil mayroong sapat na tubig mula sa impounding projects at sa strategic portions ng river systems at maliliit na dam na itinayo sa tulong ng mga ahensiya ng gobyerno. Ito ang nagtitiyak ng patuloy na supply ng irrigation water sa panahon ng tag-tuyot.
Ang water management, ayon kay Catan ay isinasagawa sa iba’t ibang mga bansa. Aniya, nang bisitahin niya ang Taiwan, sa tulong ng4-H Club, may nakita siya roon na water impounding dams. Araw-araw ay makikita ang water tankers na naghahatid ng tubig sa iba’t ibang farms.
Binisita rin ni Catan ang Mararka Foundation sa Jaipur, India. Ang foundation ay may malaking water reservoir sa kanilang basement. Ang tubig ay inihahatid sa farms sa tulong ng pondo mula sa foundation.
Nanirahan din si Catan kasama ng isang pamilya sa Leavenworth, Kansas. Ang pamilya ay nagtayo ng dams o ponds para sa iba pang mga magsasaka. Ang pamilya ay may minamantine na bulldozer para maghukay at para makagawa ng ponds na mapag-iipunan ng tubig.
Sinabi pa ni Catan, ang Filipino farmers ay dapat gumawa, bilang bahagi ng farm activity, ng ponds upang magkaroon ng tubig sa buong taon. Mapoprotektahan din aniya nito ang farms kapag may naganap na mga pagbaha.