NANAWAGAN ang Palasyo sa mga lalahok sa ikalawang One Million March na gawing mapayapa ang kanilang kilos-protesta sa Hunyo 12.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., iginagalang ng Malacañang ang karapatan ng mga mamamayan na magtipon upang ihayag ang kanilang saloobin sa mga isyu ngunit umaasa sila na gawin ito sa mapayapa at maayos na paraan.
“Taon-taon po ay ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kalayaan at taon-taon naman o halos taon-taon nakakasaksi tayo ng mga pagpapahayag ng iba’t ibang saloobin ng ating mga mamamayan sa isang masigla at malusog na demokrasya. ‘Yan ay pinapahintulutan at tinatanghal natin ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin,” aniya.
Tiniyak pa ng Kalihim na sa loob ng Palasyo ipagdiriwang ni Pangulong Benigno Aquino III ang Independence Day dahil sa pagdaraos ng taunang Vin D’Honneur para sa diplomatic corps.
Napaulat na ang organizers ng June 12 rally ay humihiling sa pagbibitiw ng lahat ng sangkot sa pork barrel scam, pati ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Aquino.
(ROSE NOVENARIO)