KRITIKAL ang kalagayan ng isang barangay kagawad ng Antipolo matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi nakilalang suspek, sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Inoobserbahan sa Manila Central University (MCU) hospital, ang biktimang kinilalang si Dan Wilson Chua 35, kagawad ng Brgy. Santa Cruz, Antipolo City residente ng No. 300 Sitio Sta. Cruz, sanhi ng tatlong tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa dibdib, tuhod at katawan.
Tugis ng mga awtoridad ang dalawang suspek na mabilis tumakas sakay ng motorsiklong hindi naplakahan.
Sa ulat nina POs3 Rommel Bautista at Joy Alcoriza, kapwa may hawak ng kaso, naganap ang insidente sa tapat ng warehouse sa Evangelista St., Brgy. 137, Bagong Barrio, dakong 6:30 ng umaga.
Ipinarada ng biktima ang minamanehong Nissan Urban (ZMT-154) para mag-deliver ng mga RTWs (ready-to-wear), dumating ang dalawang suspek na agad tinapatan at pinagbabaril si Chua.
Samantala, umaangal ang mga tauhan ng Caloocan City Police dahil sa paghihigpit ng pamunuan ng Manila Central University (MCU) hospital, partikular sa mga imbestigador ng Station Investigation Division (SID) at pinalabas din sa parking area ng mga sekyu ang sasakyan ng mga pulis.
(rommel sales)