IPINAUUBAYA ni Pangulong Benigno Aquino III sa Department of Education (DepEd) ang desisyon kaugnay sa panukalang pagpapatupad ng three-day school week sa masisikip na mga paaralan sa Metro Manila, pahayag kahapon ng Malacañang.
“Ipinauubaya po ng ating Pangulo kay Secretary (Armin) Luistro at sa Kagawaran ng Edukasyon ang pagkilos at ang inisyatiba para magbigay ng agarang katugunan at kalutasan sa mga suliraning ito,” pahayag ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma, Jr., kahapon.
Inihayag ito ni Coloma kasunod ng sinabi ng DepEd official na ang three-day school week scheme ang praktikal na solusyon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa Metro Manila.
“Ang kagandahan lang nito, mabe-break ‘yung numero ng estudyante na papasok sa isang paaralan,” pahayag ni Education Assistant Secretary Jesus Mateo.
(ROSE NOVENARIO)