KORONADAL CITY – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na mag-iiwan ng malawak na pinsala ang dalawang aktibong bulkan sa Region 12 kapag sumabog ang mga ito.
Ayon kay Dr. Renato Solidum, director ng Phivolcs, maaaring maging sinlakas ng Mt. Pinatubo ang Mt. Parker na maaaring sumabog ano mang oras.
Inihayag ni Solidum, bagama’t maliit na bulkan lamang ang Mt. Parker, ay highly capable ang magma nito.
Ang Mt. Parker o mas kilala sa tawag na Melibengoy ay may elevation na 1,824 meters at matatagpuan sa bayan ng T’boli, habang ang Mt. Matutum ay may elevation na 2,286 meters at nasa bayan ng Polomolok.
Tinukoy pa ng Philvocs director, ang crater-lake ng Mt. Parker ay nasa boundary ng South Cotabato at Sarangani province habang ang Mt. Matutum ay nasa tri-boundaries ng South Cotabato, Sarangani province at Davao del Sur.
Inihalintulad pa ng director sa pinakamalakas na pagsabog ng Mt. Pinatubo ang magiging epekto ng dalawang bulkan sakaling sumabog ang mga ito.
Aasahan aniya ang maraming buhay na mawawala at maraming kabuhayan ang masisira. (HNT)