HINDI sumipot sa preliminary investigation ng Department of Justice (DoJ) ang aktor na si Zoren Legaspi kaugnay sa kinakaharap na kasong tax evasion na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Tanging mga kinatawan lang ni Legaspi ang humarap sa DoJ kahapon, at humingi ng panahon para makapagsumite ng counter affidavit hinggil sa complaint ng BIR.
Batay sa impormasyon, inamin ng accountant ni Zoren na si Flora Capili sa mga kinatawan ng BIR at DoJ, ang pagkakaroon ng kanyang kliyente ng apat na tax identification number (TIN).
Sa panig ng BIR, sinabi ni Atty. Emmanuel Ferrer na isang paglabag sa batas ang pagkakaroon ng maraming TIN.
May pananagutan aniya ang taxpayer ng paglabag sa batas kaugnay sa pagkakaroon ng apat na TIN.
Ngunit ipinatanggal ni Assistant State Prosecutor Stewart Allan Mariano sa record ng pagdinig ang pahayag ni Capili dahil mayroon aniyang Supreme Court ruling na dapat ay may kinatawang abogado si Legaspi.
Napag-alaman, hindi kumuha ng abogado ang actor/director,at ang accountant lang at kanyang sekretarya ang katuwang niyang nag-aayos ng kaso.
Si Legaspi ay nahaharap sa P4.45 million tax evasion case dahil sa maling pagdeklara ng income noong 2010 at 2012.