Pito katao ang kompirmadong namatay nang masunog ang tinitirhang temporary tent shelter dahil sa natabig na gasera sa Costa Bravo, San Jose, Tacloban, pasado 12 a.m. kahapon.
Ayo kay SFO2 Crispin Malibago ng Tacloban Bureau of Fire Protection, kabilang sa mga namatay ang limang bata, isang sanggol, at ang kanilang ina.
Kinilala ang mga biktimang sina Kathleen Ocenar, 11; Justin Ocenar, 10; Jovelyn Ocenar, 5; Jasmine Claire Ocenar, 3; John Mark Reynan Ocenar, 6; dalawang buwan gulang sanggol na si Jackylyn, at ang kanilang ina na si Maria Eliza.
Wala ang tatay ng mga biktima na si Renante Ocenar, 32, nang maganap ang insidente dahil nagtratrabaho sa probinsya ng Samar.
Samantala, sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sa loob lamang ng tatlong minuto ay nilamon ng apoy ang nasabing tent.
Ang naturang tent city ay nagsisilbing relocation site para sa mga survivor ng super typhoon Yolanda.
Katabi lamang ng nasunog na tent city ang Tacloban airport.
Kaugnay nito, dumistasya si rehab czar Panfilo Lacson sa kalunos-lunos na pagkamatay ng limang paslit, sanggol at kanilang ina nang masunog ang tinitirhan nilang tent sa Brgy. San Jose, Tacloban City kahapon ng madaling araw.
Tila sinisi pa ni Lacson si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Corazon Soliman sa sinapit ng mag-iina dahil may kasunduan na aniya sila tatlong linggo na ang nakalipas, na buwagin ang mga tent na tinitirhan ng Yolanda victims at ilipat sila sa transitional shelters habang tinatapos ang permanenteng tirahan.
Si Lacson ang itinalaga ni Pangulong Benigno Aquino III na mangasiwa sa rehabilitasyon ng Yolanda survivors at mga lugar na sinalanta ng super typhoon ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng permanenteng tirahan ang mga biktima.
nina B. JULIAN/R. NOVENARIO