MASYADONG malupit ang kabulastugan ng may-ari ng isang malaking import company na nagsusuplay ng animal health at nutrition products sa isang dambuhalang kompanya ng pagkain sa bansa na tawagin nating X-Firm. Ang requirements kasi ng X-Firm sa import company ay galing sa United States o Europe ang animal protein ingredients o Fish Meal Analogue (FMA) na ipinapasok sa warehouses nito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ngunit heto ang siste, hindi galing sa US o Europe ang FMA at iba pang animal protein ingredients na ipinapasok ng import company sa ating mga daungan kundi mula sa China. Kahit noong Abril 2013 pa ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng poultry at poultry products mula sa China sanhi ng H7NP avian influenza outbreak sa mga manukan sa Shanghai at iba pang rehiyon doon ay tuloy-tuloy lang ang katiwalian ng import company.
Hindi lang ang taga-Bureau of Customs (BOC) ang kasabwat ng import company kundi maging ang taga-Bureau of Animal Industry (BAI) na may responsibilidad sa pagpasok ng mga produktong agrikultural mula sa China tulad ng animal protein ingredients na posibleng pagmulan ng nakahahawang sakit na avian influenza o bird flu, foot and mouth disease (FMD), Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at marami pang iba.
Batid ng lahat na suntok sa buwan ang quality control sa China kaya kahit may illegal chemicals ang animal protein ingredients na component sa veterinary medicines para sa gamit komersiyal ng X-Firm, nakalulusot ito at nakokonsumo ng mga alagang manok, baboy, baka, isda at iba pang hayop na kinakain naman ng sambayanang Pilipino.
Ngunit ang masama, nang ipasuri ay natuklasang may halong UREA o carbamide ang FMA mula sa China. Nalilikha ang urea sa pamamagitan ng ihi at ginagamit ito ng mga Chinese para iangat ang CP o crude protein ng kanilang mga produkto sa halimbawa’y kinakailangang blended na 70% mula sa 50%.
Mas matindi kung tutuusin kaysa ipinupuslit na shabu ang pag-angkat ng mga produktong tulad ng FMA dahil grabe ang epekto nito sa lahat ng tao mula bata hanggang matanda na kumukonsumo ng mga produktong pagkain ng X-Firm. Batid na ng X-Firm ang ginagawa ng import company na sa huling ulat ay patuloy sa pagpasok ng tone-toneladang animal protein ingredients. Ang simpleng paghalo lamang ng urea sa tubig na pagdilig sa halaman ay nakaiirita na sa balat, mata at sa hininga kaya mas nakapipinsala ito kung may mataas na konsentrasyon nito sa ating dugo.
Kabilang sa mga natukoy na importer ng animal protein ingredients ang mga kompanyang JSN Group of Companies, Diconex Phils, Philchema, InPhilco, Ariella Marketing, All Tech Inc., Vet Specialist Inc., APM Agricom, AgriSpecialist, Inc., Sun-Biotech Corp., APF Corp., Momarco Import Company Inc. at Nuevo Milenio. Ano kaya sa mga kompanyang ito ang nagsusuplay sa X-Firm na dahan-dahang lumalason sa sambayanang Pilipino? Adaw!
Ariel Dim Borlongan