ILANG ARAW KO NANG HINDI NAKAKAUSAP O NASISILAYAN SI CARMINA RAMDAM KO’Y TULUYAN NA NIYA AKONG INIWASAN
Maraming kuwento ang mga kapwa drayber ko tungkol kay Tutok. Ang sabi ng isa pa, tipong mapera na ang aking katukayo.
“At de-iskwala na ngayon, ‘di na balisong ang nasa baywang,” sabi ng panot na lalaki na umastang nagsusukbit ng baril sa tagiliran.
Walang talab sa akin ang isang long neck ng emperaning na mabilis na naubos sa tagayan. Bumili ako ng isa pa sa tindahan na tambayan ng mga tricycle driver. Nang masaid ang laman ng panibagong bote ng alak, noon lang nangapal ang aking mukha. At pakiwari ko, sa aking pagtayo ay umuuga-uga ang paligid.
“O-okey, a… malakas palang tumama!” ang nasabi ko sa mga nakainuman.
“Ang sabihin mo, talagang mahina ka sa mamam,” ang sabi ng panot na tricycle driver.
Naghagalpakan ng tawa ang mga naka-grupo ko sa inuman.
Kinaumagahan, mabigat at masakit ang ulo ko sa hang-over. Pinilit kong magbangon. Mabilisang nagmumog at nagsepil-yo. Nagsuklay. Kinuha sa sampayan ang nilabhang T-shit. At sa pagmamadali ay hindi ko na nakuhang makapagpalit ng pantalong maong na pinatigas ng kumapit na dumi at alikabok.
Inabangan ko ang paglabas sa bahay ni Carmina. Nakaisang stick na ako ng sigaril-yo sa paghihintay. Nasundan ng pangalawa… at pangatlo. Walang Carminang lumabas. Wala pa rin hanggang sa tuluyan nang magliwanag.
Alas otso na. Sumagi sa isip ko: “Hindi siguro papasok sa trabaho.” Mabigat ang mga kilos, pinadyakan ko ang starter ng motorsiklo. Lumayo ako sa lugar na malapit sa tapat ng bahay nina Carmina na parang may mabigat na nakadagan sa dibdib ko.
Nag-abang uli ako kinabukasan. Wala akong nakitang Carmina na bumaba ng bahay. Tumambay ako sa isang sari-sari store na abot-tanaw ang kanilang tirahan. Nagtanung-tanong ako sa babae na tumatao sa tindahan.
“Hindi nagagawi rito si Minay. Nag-uutos lang ‘yun sa dalagitang kapatid ‘pag may gustong ipabili,” sabi sa akin ng matabang babae, laylay ang makakapal na labi sa pagsasalita. “Takot ‘ata sa araw, baka hulasan ng mek-ap.”
Kung anu-ano pang mga negatibong pangungusap ang narinig ko. Tumalikod na lang ako. At pagsakay ko sa traysikel, sa inis ay matagal kong inirebolusyon ang motorsiklo. Pinalanghap ko ng makapal na usok si Taba.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia