SA pangunguna ng isang bagong import ay sisikapin ng Talk N Text na makabawi kontra Rain or Shine sa kanilang pagkikita sa PLDT Home Telpad PBA Governors Cup mamayang 8 pm sa Alonte Sports Arena sa Binan, Laguna.
Ikatlong sunod na panalo naman ang target ng San Miguel Beer kontra Barako Bull sa 5;45 pm first game.
Pinaratiing ng Tropang Texters si Rodney Carney upang halinhan si Othyus Jeffers na hindi naglaro sa laban kontra Alaska Milk noong Lunes dahil sa mayroon pa pala itong kontrata sa Estados Unidos. Natalo ang Talk N Text sa Aces, 103-91. Ang Tropang Texters ay nagwagi sa una nilang laro laban sa Meralco, 105-99.
Dahil kadarating pa lang ni Carney ay umaasa si coach Norman Black na makakakuha ng magandang numero sa mga locals kagaya nina Ranidel de Ocampo, Jimmy Alapag, Jayson Castro, Larry Fonacier at Kelly Williams.
Ang Rain Or Shine ay pangungunahan ni Arisona Reid na nasa ikatlong torneo niya sa Elasto Painters Ang Rain Or Shine ay natalo sa kanilang unang dalawang games laban sa Air 21(103-96) at San Miguel Beer (97-92). Pumasok sila sa win-column noong Linggo nang tambakan nila ang Globalport, 119-97.
Si Reid ay sinusuportahan nina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Beau Belga at Ryan Arana.
Ang San Miguel Beer ay may 2-1 record. Natalo ang Beermen sa Alaska Milk, 94-87 nago nagwagi kontra Rain or Shine. Noong Linggo ay naungusan nila ang defending champion San Mig Coffee, 92-90.
(SABRINA PASCUA)