RAMDAM KO INIIWASAN AKO NG PAMILYA NI CARMINA AT SIYA MISMO HINDI SINASAGOT ANG AKING TAWAG SA CP NIYA
Napipilitan umano siyang magtaksi araw-araw sa pag-alis at pag-uwi upang maiwasang mabastos sa salita at gawa ng mga salbaheng pasahero na makakasabay sa dyip. At higit sa lahat, ibig na rin daw niyang matigil sa pagpipista ang mga tsismoso at tsismosang kapitbahay.
Sa kwento ni Carmina, umuuwi siya ng bahay sa mga alanganing oras ng madaling araw, at umaalis din agad sakay ng taksi. Sa paglabas ng looban para bumalik ng club, mas pinipili raw niya ang kolorum na traysikel upang makaiwas din sa mga kakilalang tricycle driver.
“Pati ako, iniwasan mo no’n,” naihinga ko sa kanya. .
Walang sagot si Carmina, pero sa mga mata niya ay masasalamin ang ‘di pinalalayang damdamin. “Pagmamahal” ‘yun, sa interpretasyon ko na umaasang isang araw ay mananaig ang pag-ibig niya sa akin. At sa dakong huli ay kaming dalawa rin ang magkakatuluyan.
Sa mga unang serye ng pagpunta-punta ko kina Carmina, hindi man ako naging tagapakinig ng doktrina, ay hindi ko kinakitaan ng anumang pagbabago sa pakiki-pagharap si Aling Azon, o kahit si Carmina mismo na aking sinasadya.
Pero katagalan, hanggang sa ibaba na lang ako ng hagdan nina Carmina. Mapapaklang alibi, na hindi katanggap-tanggap sa akin, ang muli kong natikman.
“Kuya, pagod si Ate, tulog na…” sabi sa akin minsan ng dalagitang si Abigail.
“Pasensiya ka na, namamahinga na…” ang katwiran naman ni Aling Azon.
O, kaya naman: “Masama’ng pakiramdam, e…”
Gayon lagi. Sinawaan ako.
Tinangka kong i-text si Carmina. Pati pagsagot sa text ay ipinagkakait na naman niya sa akin. Kapag tinatawagan ko, “not attended” ang sinasabi ng cellphone na aking kinokontak.
Sa sama ng loob ko ay nagsadya ako sa inuman ng mga kasamahan sa Toda.
“Long time no see,” salubong sa akin ng panot na tricycle driver.
Tinagayan agad ako.
Kusa na akong nakiumpok sa tagayan.
“Hindi ka nakatikim ng paandar ng tukayo mo nu’ng minsang napadaan dito,” bungad sa akin ni “Maryang Palad”, ang tanging walang asawa sa aking mga kainuman.
Hindi ko ugali na magkuwento ng mga bagay na pampersonal. Hindi ko nabanggit kahit kanino na “peace” na kami ni Tutok.
“Mukhang asenso na ang tukayo mo,” ang mabilis na dugtong ng kausap ko. “Nakabili na ng bagumbagong motorsiklo.”
(Itutuloy)
ni Rey Atalia