DINALA NI JOAN ANG ANAK KAY INGKONG EMONG NA GUSTONG ISAMA NG ENGKANTO
Pamaya-maya, mula sa kusina ay natanaw niya ang pagpasok sa sala ng batang si Roby. Sa ayos ng kanyang anak na naupo sa sofa ay halata ang panlalata ng katawan nito. Napahiga ito roon na parang nauupos na kandila. Na kitang-kita niyang bigla na lamang nagtirik ng mga mata.
Kinausap si Joan ng kanyang Ate Mags nang makauwi sila sa bahay ng anak na si Roby na muli niyang dinala sa ospital.
“Duda na ako sa pabalik-balik na lagnat ni Roby,” bungad ng kanyang nakatatandang kapatid.
“Ano’ng ibig mong sabihin, Ate?” tanong niya sa pagkamaang.
“Ano kaya’t patingnan mo sa isang albularyo ang anak mo?” mungkahi ng kanyang Ate Mags. “Wala naman sigurong masama kung susubukan natin, di ba?”
Matagal na pinag-isipan ni Joan ang bagay na ‘yun. Pero sa huli ay nagpasiya rin siyang dalhin sa albularyo ang kanyang anak.
“Pitong engkanto ang namamahay sa loob at labas inyong bahay.
“At isang mag-asawang engkanto ang mahigpit ang pagkagusto na maipagsama ang batang ito sa kanilang daigdig,” wika ni Ingkong Emong kay Joan.
“B-Bakit po?” naitanong niya.
“Wala kasing anak ang mag-asawang engkanto kaya gusto nilang kunin at gawing kauring engkanto ang bata, nang sa gayon ay may maituring silang sariling anak,” ang paliwanag ng albularyo.
“ M-may magagawa po ba kayo, Ingkong, para tigilan na ng mga engkantong ‘yun ang pamemerhuwisyo sa anak ko?” ang maagap na naitanong ni Joan.
“Kinakailangang mapalayas ang mga engkantong ‘yun sa inyong bahay…” pagbibigay-diin ni Ingkong Emong.
Isinama ni Joan sa kanilang bahay ang matandang albularyo. Bago ang pagsasagawa nito ng ritwal sa pagpapalayas sa mga engkantong kampon umano ng kadiliman ay nag-ihaw muna siya ng manok na puting-puti ang mga balahibo. Ang karne niyon na hiniwa-hiwa sa maliliit na piraso at ang rice wine sa pitong mumunting kopita ang iaalay daw sa mga maligno. (Itutuloy)
ni Rey Atalia