PUSPUSAN ang paghahanda ng mga memory athletes ng Pilipinas dahil paniguradong mapapalaban sila sa pagdayo ng mga bigating kalaban mula ibang bansa sa darating na 1st AVESCO-Philippine International Open Memory Championship
Magtatagisan ng isip ang mga Pinoy at dayuhan sa Eurotel Hotel North EDSA, Quezon City mula Mayo 31 hanggang Hunyo 1 sa event na inorganisa ng Philippine Mind Sports Association, Inc.
Nagsaad ng pagsali sina Grandmaster of Memory (GMM) Yudi Lesmana at Fakhri Shafly Erlangga ng Indonesia ; Omkar Kibe ng India ; Ryan Dongwoo Kim ng Korea ; at GMM Tsogbadrakh Saikhanbayar, Enkhmunkh Erdenebatkhaan at Enkhjin Tumur ng Mongolia .
“May mga iba pang nagpahayag ng interes na sumali at hinihintay pa natin na magkumpirma sila,” sabi ni Roberto Racasa, coach ng Philippine Memory Team na pumang-apat sa 2013 World Memory Championship na ginanap sa London noong Disyembre. “So far, ang mabigat na kalaban ng mga Pilipino sa 1st AVESCO-Philippine International Open ay ang mga Mongolians na nag-third place sa World Memory Championship.”
Ang kampanya ng mga Pilipino sa torneyong ito ay pangungunahan ni GMM Mark Anthony Castaneda na umabot sa semifinal round ng Extreme Memory Tournament sa San Diego, California kung saan 16 lamang sa mga pinakamahuhusay na memory athletes sa mundo ang naimbitahang lumahok.
Naimbitahan ding sumali sa San Diego ang dalawa pang GMM ng bansa na sina Erwin Balines at Johann Abrina ngunit nabigo silang umusad sa ikalawang round.
Ang 1st AVESCO-Philippine International Open ay may basbas ng World Memory Sports Council ay itinataguyod din ng Eurotel, Center For Global Best Practices, Hotel Sogo, Writech Enterprises, Merit Lyra at Piknik.
Paglalaban dito ang 10 memory sports disciplines na Binary Numbers, Names and Faces, Random Numbers, Abstract Images, Historic and Future Dates, Playing Cards, Speed Numbers, Random Words, Spoken Numbers at Speed Cards. (ARABELA PRINCESS DAWA)