NASAAN na si Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista?
Tila napipi na yata samantala nang nagkaproblema ang Quezon City Police District (QCPD) kamakailan hinggil sa nangyaring pamamaril sa Fairview na ikinamatay ng apat katao, panay ang kanyang dada o batikos sa pulisya.
Nanumbat na kesyo todo-todo naman daw ang suporta ng city government sa QCPD pagkatapos ay nangyari pa raw iyong patayan sa Fairview. Sinisisi ang QCPD sa krimen.
Ay sus, hindi iyon panunumbat o paninisi kundi paghuhugas kamay iyon.
Ngayon ba’t tila napipi na yata ang lokal na lider. Ba’t hindi nagpapatawag ng isang press con para ianunsyo ang pinakahuling magandang trabaho ng QCPD na pinamumunuan ni Chief Supt. Ri-chard Albano?
For your info, pero alam kong batid na ito ni Bistek.
Mayor Bistek, kamakalawa ng gabi ay daan-daang kabataan ang nasagip ng QCPD sa tiyak na kapamahakan. Marahil alam mo na ito yorme.
Baka nga hindi lang daan-daang kabataan ang nailigtas ng QCPD kundi higit pa. Oo, dahil halagang P25 milyong shabu lang naman ang nakompiska ng QCPD District Anti-illegal Drugs na pinamumunuan ni Sr. Insp. Roberto Razon. Nakuha ito sa dalawang dayuhang bigtime drug dealer. Mga Chinese national ang nahuli po Mayor.
Nasaan ka na Mayor? Ba’t ‘di ka yata nagngangawa ngayon sa isang press con para kilalanin at ipagmalaki ang trabaho ng QCPD samantala ‘pag may ‘palpak’ ang QCPD na bibihira naman ay tinitira mo na at sinusumbatan ang pulisya.
Maging patas ka naman Mayor. Hindi po biro ang huli ng QCPD nitong Linggo ng gabi. Matapos ang isang linggong police surveillance ay kanilang nasakote ang dalawang dayuhang sina Benson Lao Santos, 61, ng Poblacion Guiguinto, Bulacan at Benedict Ong Santos.
Santos, totoo ba mga apelyidong ito. Malamang ginamit lang ng dalawang hunghang ang apelyidong Santos para maitago siguro ang tunay na pagkakakilanlan sa kanila pero, wa epek din ito.
Anyway mayor, naaresto ang dalawa sa Barangay North Fairview, QC.
Kunsabagay, tama lang naman mayor na ‘wag ka nang umepal sa accomplishment ng QCPD dahil sila naman ang nagtrabaho.
Pero siyempre, dapat naman siguro na purihin mo ang trabahong ito. Daan-daang kabataan ang nasagip sa pagkakasakote ng limang kilong shabu na ito.
Sa QCPD naman, Gen. Albano at Sr. Insp. Razon sampu ng mga tauhan mo sa DAID, congratulations!
Almar Danguilan