ISINULONG ni Pinoy GM Julio Catalino Sadorra ang ikalawang sunod na panalo upang ilista ang malinis na dalawang puntos sa nagaganap na 23rd Annual Chicago Open 2014 sa Westin Chicago North Shore Hotel, 601 North Milwaukee Ave, Wheeling, Illinois noong isang araw.
Pinagpag ni super grandmaster Sadorra (elo 2611) si FM Michael Lee (elo 2394) ng Washington , USA matapos ang 37 moves ng English upang makisalo sa unahan sa event na ipinatutupad ang nine-rounds swiss system at may $100,000 prize fund.
Tumalbos ng isang piyesa si Sadorra ng isulong nito ang Qd8 sa 28 moves.
Sa round 1 giniba ng Pinoy woodpusher si FM Doug D Eckert (elo 2255).
Kasama ni Sadorra sa tuktok ang 14 na chessers papasok sa round three kung saan ay makakaharap nito si IM Levan Bregadze (elo 2428) ng Georgia .
“Mahaba pa ang laban sana makatagal ako sa unahan malalakas kasi ang mga sumali dito,” saad ni Sadorra na nakabase na sa America .
Sa top board ay mapipisakan sina Sadorra at Bregadze habang maghihilahan pababa ang dalawang GMs na sina Macieja Bartlomiej at Dmitry Gurevich sa board 2.
Samantala, si Sadorra ang pang-apat na chess player na naabot ang 2600+ elo rating.
Unang naabot ni GM Mark Paragua ang 2600+ rating sumunod si GM Wesley So at ang pangatlo ay si GM Oliver Barbosa. (ARABELA PRINCESS DAWA)