Inalok din ako ni Carmina na makisalo sa kanilang pamilya. “Sige, tapos na,” ang sabi ko sa pagtanggi.
Sabay-sabay na dumulog sa hapunan ang mag-iina. At hindi na naitago sa akin ng dalawang bata ang pagkadayukdok sa gutom.
Maaga akong nagpaalam kay Carmina.
Pag-uwi ko, maraming tanong patungkol kay Carmina ang nagbangon sa aking utak sa pagkakahiga sa papag. “Ba’t kaya s’ya biglang naging maka-Diyos? Sasa-bihin ba n’yang nakausap n’ya ang Diyos? O baka naman may nakapambilog lang sa ulo n’ya? Si Arsenia kaya ang dahilan?”
Sabi ng text sa akin ni Carmina.
“Oo, bautisado na ‘ko… “ pag-amin niya sa akin. “At si Arsenia ang umakay sa ‘kin?”
“Inakay saan? Sa kalokohan?” ang pigil-pigil kong mai-text kay Carmina. Sa halip ay nasabi ko sa mensahe: “Palagay ko, ‘di ako makararating sa sinasabi mong langit.”
Sa pananaw ko, pag-aaksaya lang ng pagod at panahon ang lahat ng ginagawa ni Carmina. Doktrina sa mga araw ng Lunes, Martes, Miyerkules, Biyernes at Sabado. Sa mga araw ng Huwebes at Linggo, samba. At kahit pagod siya sa maghapong pasok sa trabaho, prayoridad pa rin niya ang mga iyon. Lumindol man nang malakas. Todo man ang ulan o bagyo. At kahit languyin pa ang baha sa mga daan. Sa malas ko, malaki na nga ang inihuhulog ng pangangatawan ni Carmina.
“Bakit?” ang ini-reply sa akin ni Carmina.
Nag-text uli ako: “’Ala kasing iskaleytor o elebeytor papuntang langit.”
“Maloko ka pa rin pala hanggang ngayon,” text pa niya sa akin. “E, sa isang Lunes, makikinig ka pa ba ng doktrina?
May tonong pa-sentimental ang sagot ko: “Gusto mo rin ba akong makarating sa langit?”
“’Di ba nasabi ko na sa ‘yo, lahat ng mahal ko sa buhay ay gusto kong makasama sa Bayang Banal?” ang text niya na nagpalukso sa puso ko.
Pero dahil sa hindi ako seryoso at walang pananampala-taya, madali kong kinasawaan ang paglalaan ng panahon na nauukol sa mga salita ng Diyos. Sumisipot na lang ako sa doktrina kapag nakaalis na ang dati naming kaklaseng si Arsenia at ang manggagawang nagdodoktrina.
Sa pagkikipagkwentuhan ay putul-putol na nadampot ko kay Carmina ang tunay na dahilan sa pag-i-stay-in niya sa club noon. Ibig daw niyang makatipid sa pasahe.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia