ni Nonie V. Nicasio
MAGANDA ang feedback kay Marian Rivera sa pagiging bahagi niya ng Juan For All, All For Juan ng Eat Bulaga. Sa pagkaka-alam ko ay last week pa lang naging Dabarkads ng segment na ito si Marian, kasama sina Jose Manalo,Wally Bayola, at Paolo Ballesteros.
Kung noon ay iniintriga si Marian sa pagiging mataray, lalo na raw kapag may ‘sumpong’ o wala sa mood, sa Juan For All ay taliwas ito sa mga negative na balita sa Kapuso star.
Sa isang episode na natiyempuhan namin, magaling siyang makipag-interact sa mga tao, kahit sa bata man o matanda. May instance pa na ibinigay ni Marian ang kanyang relo sa isang kamag-anak ng nanalo sa kanilang segment, kahit na memorable ang naturang relo dahil regalo raw ito sa kanya ng kasintahang si Dingdong Dantes.
Ang last na napanood ko si Marian with Wally, Jose, and Paolo, siya ang nagmamaneho ng van sakay ang tatlong kasamang Sugod Bahay Gang.
Hindi rin nandiri o nailang si Marian, kahit ang pinuntahan nilang winner ay may bulutong ang asawa. Dito rin nakita na malapit din si Marian sa matanda man o bata.
Pati iyong matagal nang joke sa EB na nagbubuga ng tubig kapag ginulat ang isang umiinom nito, kuwela rin lumabas ang routine nila with Marian. Game naman sina Jose, Wally, at Paolo na saluhin ng kanilang mukha ang tubig na ibinuga ng magandang aktres.
Good move ang ginawang ito ng namamahala ngayon sa career ni Marian, bukod kasi sa mas napapalapit siya sa masa, mas nahahasa pa ang galing ni Marian dito sa comedy. Althgough ilang beses ko na siyang napanood sa mga pelikula niyang katatawanan, ibang klaseng ‘training’ kumbaga ang on the spot na nakikipagbatuhan siya ng katatawanan sa grupong ito nina Jose, Wally at Paolo.
Actually, sa pagkaka-alam ko ay sa TAPE naman nagsimula talaga si Marian. Kaya makikita naman na at ease siya sa EB at enjoy siya sa pagiging bahagi ng Juan For All, All For Juan.
OGIE DIAZ, NAG-ENJOY SA PELIKULANG MAYBE THIS TIME
NAG-ENJOY ang magaling na comedian na si Ogie Diaz sa pagiging parte ng pelikulang Maybe This Time na pinagbibidahan nina Sarah Geronimo at Coco Martin. Ang naturang pelikula na mula sa Star Cinema at Viva Films ay palabas na sa May 28. Ito ay mula sa pamamahala ni Direk Jerry Lopez Sineneng.
“Enjoy ako doing Maybe This Time kasi walang terror na direktor, lahat masasaya, walang primadona sa set at lahat, cooperative kaya kami nakabuo ng isang napakaganda, nakakakilig, at nakakatuwang romance movie.
“Sobrang thankful ako kay direk, nakakatuwa kasi na may mga direktor na alam ko naman na hindi lahat ng direktor tumatanggap ng inputs mula sa ibang tao o ideas. Si direk talagang, ‘Paano ba natin pagagandahin ang pelikula Ogs? Paano ba natin babaliin si Coco? Paano ba natin papaanuhin si Sarah.’
“So, ‘yung mga pinag-uusapan namin (ni Direk) para doon sa dalawa at saka siyempre, para mag-shine din ako rito, charot!” Pabirong saad pa niya.
Pahabol pa ng komedyante, “Sa 40 plus movies na nakasama ako, ito ang biggest break ko dahil full contract ako rito at hindi per day.
“Tapos sabi ko nga, si Direk ay open siya sa suggestions from cast. Kaya natutuwa ako na ‘yung mga naiisip kong dialogue o eksena ay panalo naman sa taste ni direk.”
Pinuri rin niya ang lead stars nito. “Mabait na bata si Sarah, bungisngis, at tahimik lang. Walang kaangal-angal kahit madaling araw na.
“Si Coco naman, bukod sa kumpare ko dahil inaanak niya ang 4 year old kong bunso, nagkasama na kami ng one year din sa Walang Hanggan teleserye, kaya kabisado na namin ang isa’t isa.”