KAHIT nanalo ang San Mig Super Coffee sa una nitong laro sa PBA Governors’ Cup noong isang gabi, inamin ni Mixers coach Tim Cone na hindi siya impresibo sa ipinakita ng kanyang mga bata.
Inamin ni Cone na hanggang ngayon ay hindi pa gaanong nakaporma ang kanyang koponan mula noong nagkampeon sila sa Commissioner’s Cup noong isang linggo.
Idinagdag ni Cone na hindi pa gaanong nakabalik ang dating porma ng kanyang import na si Marqus Blakely na gumawa lang ng 10 puntos dahil sa dami niyang mga foul.
“There’s a little bit of a disruption bringing him (Blakely) back into the rotation,” ani Cone. “Marqus is trying to get his rhythm back in the triangle. We managed to stay in the game through our defense. We had just one real practice with Marqus after we took three days off.”
Isang magandang pangitain para kay Cone ay ang magandang laro ni Allein Maliksi na nagtala ng walong puntos sa kanyang unang laro para sa San Mig mula noong gumaling ang kanyang pilay sa paa.
Samantala, naniniwala si Cone na kaya ng kanyang koponan na makamit ang Grand Slam ngayong season na ito lalo na defending champion ang San Mig sa Governors’ Cup.
(James Ty III)