NAKAHANDA ang Palasyo na pag-aralan ang napaulat na bagong security alliance na binabalak ng Estados Unidos sa mga bansa sa Asia-Pacific kapag may opisyal nang panukala at hindi ibabatay sa press release lamang.
“Kailangan pa ‘yan umabot doon sa yugto nang masusing pag-aaral kung magkakaroon na ng pormal na kahilingan o panukala at ito ay pangkaraniwang idinaraan sa mga opisyal na daluyan at hindi sa pamamagitan ng press release lamang,” sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Tiniyak ni Coloma na ang Filipinas ay magpapasya sa nasabing isyu, batay sa pambansang interes.
Batay sa report, binabalangkas na ng US ang bagong “security architecture” bilang bahagi ng pla-nong pagtuunan ng atensiyon ang Asya.
Bukod sa Filipinas, sabi sa ulat, kabilang sa target ng bagong “security architecture” ay Australia, Japan, Singapore at Thailand.
Matatandaan, kasabay ng pagbisita sa bansa ni US President Barack Obama noong Abril 28 ay nilag-daan ng Filipinas at US ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagpapahintulot sa libreng paggamit ng mga tropang Amerikano sa mga base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mas mapapadalas ang presensiya nila sa bansa. (ROSE NOVENARIO)