Ikinulong ng militar ang ex-Thailand Prime Minister Yingluck Shinawatra kasunod ng deklarasyon ng kudeta sa bansa na nasa ilalim pa ng martial law.
Kabilang si Yingluck sa mahigit 100 matataas na opisyal na ipinatawag ng militar na kumukontrol sa bansa.
Ayon kay National Security Adviser Lt. Gen. Paradon Patthanathabut, ipiniit si Yingluck sa military barracks sa labas ng Bangkok para sa kaligtasan niya at ng kanyang gabinete.
Nagbanta ang militar na aarestohin ang mga opisyal na susuway sa kanila at binawalan din ang 150 mahahalagang tao sa pag-alis ng bansa.
Samantala, limitado rin ang galaw ng mga mamamahayag sa pag-iral ng batas military at kontrolado rin ng mga sundalo ang karamihan ng TV stations sa Bangkok.
Tanging mga programa at mga abiso lamang na inaprubahan ng militar ang pinapayagang ipalabas sa mga estasyon sa Thailand.
Dahil dito, sa social media na lamang ipino-post ng ilang mamamahayag ang video ng kanilang mga ulat.
Pero binalaan ng Thai military ang netizens at mga mamamahayag na maging maingat sa mga ipo-post sa social media.