HINIMOK ng Palasyo si multi-billion pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles na isumite muna ang kanyang affidavit na kompleto ang mga detalye hinggil sa anomalyang kanyang kinasasangkutan bago humirt ng kung ano-anong kondisyon, gaya ng immunity.
“Siguro hintayin natin ang affidavit niya bago hiling, kesyo kondisyon na ganito o ganyan … tapusin muna ang affidavit. In American colloquial language, you put your money where your mouth is,” ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Ipinahiwatig ng abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David kamakalawa na posibleng maisumite na ang affidavit ng kanyang kliyente sa Department of Justice (DoJ) sa Lunes (May 26).
Kaugnay nito, ayaw patulan ng Palasyo ang akusasyon ng jueteng whistleblower na si Sandra Cam na nagkaroon ng areglohan para maibasura ang illegal detention case laban kay Napoles dahil wala itong batayan.
Tiniyak ni Valte na nakahanda si Budget Secretary Florencio Abad na humarap sa anomang imbestigasyon para patunayan na hindi siya sangkot sa pork barrel scam kahit pa sinabi ng whistleblower na si Merlina Suñas na ang kalahim ang una nilang naging kliyente sa Kongreso nang mambabatas pa ng Batanes.
(ROSE NOVENARIO)
Blackmail itinanggi ng Napoles camp (Kapalit ng immunity)
Mariing itinanggi ng kampo ni Janet Napoles ang akusasyon ni Budget Secretary Butch Abad na bina-blackmail ng akusado ang pamahalaan para pagkalooban ng immunity o maging state witness.
Giit ni Atty. Bruce Rivera sa panayam, “Wala kaming bina-blackmail at hindi namin kayang mam-blackmail… Nagsasabi lang kami ng totoo… I think that (accusation) is unfair.”
Kinuwestyon din ng kampo ng itinuturong utak ng pork barrel scam ang timing ng pambabatikos ni Abad gayong hindi umano si Napoles ang unang nag-akusa sa kalihim kundi ang whistleblower na si Merlina Suñas.
Tumanggi si Rivera na idetalye pa ang mga ebidensya nila laban kay Abad.