TUTUGISIN ng Air 21 at Barangay Ginebra ang ikalawang panalo kontra magkahiwalay a karibal sa PLDT Home Telpad PBA Governors Cup mamayang hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City .
Magkikita ang Express at Barako Bull sa ganap na 2:45 pm at magsasagupa ang Gin Kings at Meralco sa ganap na 5 pm.
Ang Air 21 ay nanalo sa Rain Or Shine, 103-96 samantalang ang Barangay Ginebra ay nagwagi sa Globalport, 89-71 noong Martes.
Ang Barako Bull ay may 1-1 record. Matapos na maungusan ang Meralco, 96-91 ay nabigo ang Energy kontra sa defending champion San Mig Coffee, 76-66. Ang Meralco ay walang panalo sa dalawang laro matapos matalo sa Barako Bull ay dumapa rin ang Bolts sa Talk N Text, 105-99.
Sa duwelo ng imports ay magpapatalbugan sina Dominique Sutton ng Express at Eric Wise ng Energy.
Ang Gin Kings, na ngayon ay hawak ni head coach Jeffrey Cariaso, ay pinamumunuan ni Zaccheus Mason na gumawa ng 21 puntos kontra Globalport.
Si Cariaso, na gumagamit ng triangle offense para sa Barangay Ginebra, ay sumasandig kina Gregory Slaughter, Japhet Aguilar, LA Tenorio, Chris Ellis at dating Most Valuable Player Mark Caguioa.
“I’m impressed with the way they run the triangle. It’s not easy to run, to get disciplined when you feel nothing is happening. But so far, I’m happy with the way my guys are performing,” ani Cariaso.
Si Meralco coach Paul Ryan Gregorio ay umaasang gaganda ang mga numero ng import na si Terrence Williams. Ang iba pa niyang sinasandigan ay sina Gary David, Jared Dillinger, Cliff Hodge at Reynell Hugnatan.
Ni SABRINA PASCUA