APAT kagawad ng Manila police ang ini-hostage ng mga tauhan ng gambling lord na nag-o-operate sa Lungsod ng Maynila, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga kagawad ng pulisya na sina Insp. Arial del Rosario, PO1 James Poso, PO3 Adonis Aguila at PO2 Elmer Revita, nakatalaga sa MPD General Assignment Section.
Nabatid, inatasan ni MPD Director Rolando Asuncion ang hepe ng MPD-GAS na hulihin ang illegal operation ng lotteng at EZ2 bookies ni PO2 Rolando Simbulan, nakatalaga sa NCRPO RPHAU, at pamangking-buo ni Boy Abang, ang maintainer ng illegal bookies ng karera sa anim na distrito ng lungsod.
Dakong 9:45 a.m. kahapon, sinalakay ng mga kagawad ng MPD-GAS ang bahay ni Simbulan sa 1411-B, Sevilla Extension kanto ng Concha St., Tondo.
Napasok ng mga pulis ang bahay ng maintainer ng sugal at nahuli ang limang personnel pero nang sila ay lalabas na upang iharap sa MPD chief ang mga inaresto, hindi na sila nakalabas ng bahay ni PO3 Simbulan dahil ikinandado ang pinto.
Dalawang oras nabinbin ang mga pulis sa loob ng bahay ng gambling lord at nakalabas lang nang atasan ng MPD chief ang District Special Operation Unit na buksan ang pintuan sa pamamagitan ng bolt cutter.
Kaugnay nito, ayon kay PO1 Poso kakasuhan nila ang mga sangkot sa pagpa-padlock sa bahay ni PO3 Simbulan.
Isinusulat ang balitang ito, inihahanda na ng MPD-GAS ang after operation report at rekomendasyon laban kay Simbulan at mga tauhan na isusumite sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
(leonard basilio)