IKALAWANG sunod na panalo ang puntirya ng Alaska Milk kontra sa Globalport sa PLDT Home Telpad PBA Governors Cup mamayang 5:45 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Magbabawi naman sa kanilang kabiguan ang Rain Or Shine at San Miguel Beer na magtutuos sa ikalawang laro sa ganap na 8 pm.
Tinalo ng Acers ang Beermen, 94-87 noong Linggo sa pangunguna ng import na si Henry Walker na gumawa ng 27 puntos. Natalo naman ang Batang Pier sa Barangay Ginebra San Miguel, 89-71 noong Martes.
Ang mga big men na sina Joaquim Thoss, Calvin Abueva at Gabby Espinas ay pawang nagtapos nang may double figures sa scoring upang tulungan si Walker.
Makakatapat ni Walker ang nagbabalik na si Leroy Hickerson na naglalaro sa ikatlong koponan niya matapos ang stints sa Air 21 at Barako Bull. Gumawa siya ng 30 puntos laban sa Gin Kings.
Nakapagbigay lang ng magandang laban ang Batang Pier kontra Gin Kings sa first half kung saan umabante ang Baranga Ginebra, 41-39. Pero naiwanan na sila sa second half.
Ang Rain Or Shine ay galing sa 103-96 pagkatalo sa Air 21 noong Martes. Sa larong iyon ay hindi nakasama ng Elasto Painters ang mga manlalarong sina JR Quinahan, Jervy Cruz at Jeric Teng na pawang injured. Hinalinhan din muna ni Caloy Garcia si head coach Joseller “Yeng” Guiao na may inasikasong mahalagang bagay.
(SABRINA PASCUA)