INARESTO ang dating party-list representative kahapon sa naging marahas na kilos-protesta malapit sa Makati City Hotel na ginaganap ang World Economic Forum for East Asia.
Si dating Bayan Muna Rep. Teodoro “Teddy” Casiño ay inaresto habang kasama sa protesta sa Ayala Avenue.
Kinompronta ng mga tauhan ng Makati City Police ang mga militante malapit sa perimeter ng WEF venue.
“Ang mga mahihirap iniitsapwera, tinataboy… ‘yan ba ang economic turnaround na sinasabi ninyo?” pahayag ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes Jr.
Sa kanyang panig, sinabi ni Makati City police chief, Senior Supt. Manuel Lucban, “illegal assembly” ang ginawa ng mga raliyista dahil wala silang permit.
Nabatid na nakipagtulakan ang 30 raliyista sa mga pulis sa kanilang protesta.
“Unang-una wala silang permit, illegal assembly [ang] ginawa nila, humarang pa sa daan. Kaya narito ang mga pulis para mapanatili ang peace and order,” dagdag pa ni Lucban. (JAJA GARCIA)