NIYAYA AKO NI CARMINA NA MAKINIG SA MGA ARAL SA BIBLIA AT NAPUNA KO ‘DI NA MALIKOT ANG KANYANG MGA MATA
“Penge ako, Ate.”
Iniwan ako ni Abigail para magtimpla rin ng 3-in-one. Hinatian niya sa isang lalagyan si Obet na nakasandal sa tagiliran ng lumang aparador, nauupuan ang naka-latag na banig na gahis-gahis na.
“Kape tayo …”
Kinuha ko ang isang baso ng mainit na kape sa kamay ni Carmina.
“TY,” sabi ko, nakasulyap sa mukha ni Carmina.
“Baka mapaso ka…”
Inilagay ko sa bangko ang kinalalag-yan ng kape. Ang para kay Carmina ay dito rin niya inilapag. Nagkaroon ng espasyo ang aming pagitan. Pero sa pakiramdam ko ay nagsisimula na uli akong mapalapit sa kanya.
“Punta ka ba uli dito bukas?”
Tumango ako. Nahalata kong hindi na gaanong malikot ang mga mata ni Carmina sa aming muling paghaharap.
“Bakit, meron ba uli bukas?” naitanong ko na ang tinutukoy ay ang Bible study sa kanilang bahay.
“Oo,” ang isinagot sa akin ni Carmina. At ipinagbigay-alam din niya na idinaraos ang pag-aaral sa Bibliya tuwing Lunes, Martes, Miyerkules, Biyernes at Sabado. Pahinga sa mga araw ng Huwebes at Linggo.
“Dahil ‘yun ang mga araw ng pagsamba.”
Ipinagpalagay kong “pagsimba” ang gusto talagang sabihin ni Carmina.
“Nasa Panginoong Hesus ang kaligtasan. At ang sumunod sa Kanyang kalooban na pumasok sa Kanyang kawan ay maliligtas,” sambit ni Carmina, hindi isang pangangaral kungdi parang pagmamalasakit sa akin. “Makinig ka lang…”
“Sige,” ang awtomatikong pagta-ngo ko. Hindi pa man ay para na akong nasa langit!
Sa relo ko ay mag-aalas-diyes na ng gabi. Tulog na ang dalagita at ang bunsong kapatid ni Carmina. Itinigil na rin ni Aling Azon ang ginagawa sa isang sulok ng kabahayan. Oras na ng pamamahi-nga ng magkakapamilya. Gustung-gusto ko man na manatili pa roon ay magiging ka-labisan na.
Lumamig na ang aking kape sa ibabaw ng bangko. Napangalahati ko ang laman ng baso sa ilang lagukan lang.
Nagpaalam ako kay Carmina. “Tuloy na ‘ko,” ang sabi ko sa pagtayo.
“Bukas uli…” paalala niya.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia