Kinondena ng Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) si National Housing Authority (NHA) general manager Chito Cruz sa pagbalewala sa kahilingan ng mga residente ng Cogeo at Pagrai na ihabla at palayasin ang mga land grabber sa Antipolo City para matigil ang pagpaslang sa mga homeowners president.
Ayon kay 4K president Rodel Pineda, nakipagkasundo ang NHA sa ilang Homeowners Association Inc. (HOAI) para pangasiwaan ang lupain sa Cogeo area na pag-aari ng ahensiya at nasa ilalim ng Office of the President pero wala itong ginawang aksiyon para ipagtanggol ang pangulo ng mga HOAI laban sa hinihinalang hired killers na pinamumunuan ng isang dating opisyal ng pulisya.
“Mula noong 2007, marami nang pinatay ang mga tauhan nitong si alyas Apol pero bakit walang naaresto ang pulisya at hindi naghabla ang NHA para magiba ang sindikato ng land grabbers sa Cogeo?” diin ni Pineda. “Totoo bang may taga-NHA, taga-City Hall at media people na naka-payola sa sindikato ng land grabbers?”
“At bakit natatakot ang mga tauhan ni Cruz na habulin ang land grabbers sa Cogeo at Pagrai gayong nasa ilalim sila ng opisina ni Pangulong P-Noy?” dagdag sa pahayag ng 4-K. “Marami nang nagbuwis ng buhay sa Pagrai pa lamang pero bakit inutil ang Antipolo Police na maaresto ang mga suspek?”
Nagbanta ang 4K na irereklamo sa Malakanyang ang pagbalewala ng NHA sa kahilingan ng mga residente sa Cogeo area na patuloy dinadahas ng sindikato ng land grabbers para matigil ang demolisyon ng mga bahay na itinatayo kahit sa creek at bangin. (HNT)