PINAYUKO ni super grandmaster Wesley So si Cuban GM Leinier Perez Dominguez kahapon upang mapalakas ang tsansa na makuha ang titulo sa nagaganap na 49th Capablanca Memorial 2014 sa Havana, Cuba.
Pinisak ni Pinoy woodpusher So (elo 2731) ang top seeded na si Dominguez (elo 2768) sa 64 moves ng Sicillian English Attack upang ilista ang 5.5 points at masolo pa rin ang liderato matapos ang eighth round.
Semplang sa pangatlong puwesto ang world ranked No. 10 Dominguez hawak ang four points habang umakyat sa pangalawang puwesto si GM Batista Lazaro Bruzon (elo 2682) ng Cuba bitbit ang 4.5 pts.
Nakalamang ng isang pawn si So sa 34th move ng itira nito ang Rxg6+.
Dalawang rounds na lang ang natitira sa event na may six man elite double-round robin format.
Makakaharap ni 20-year old So sa ninth at penultimate round si GM Vassily Ivanchuk (elo 2753) ng Ukraine at ang last round niya ay si GM Zoltan Almasi (elo 2693) ng Hungary.
Sa ibang resulta, kinaldag ni Bruzon si GM Francisco Pons Vallejo (elo 2700) ng Spain matapos ang 38 moves ng French habang nauwi sa draw ang labanan nina Ivanchuk at Almasi sa matapos ang 57 sulungan ng French.
Magkasalo sa fourth to fifth place sina Vallejo at Almasi tangan ang tig 3.5 puntos habang nasa hulihan si Ivanchuk pasan ang 3 pts.
Naging masaya para sa mga fans ni So ang panalo dahil nakabawi ito mula sa pagkaluhod kay Dominguez ng magharap sila sa 2014 Tata Steel Chess Tournament noong Enero.
Samantala, kailangan lang ng isang puntos ni So sa huling dalawang laro para masungkit ang titulo.
Bukod sa nakuhang isang puntos ni So sa nasabing torneo ay tumaas din ang kanyang Live Rating kaya naman kung mananatili ang magandang laro nito ay pihadong aakyat sa No. 5 sa world ang Pinoy.
Kasalukuyang hawak ni So ang 2744.6 live rating at paniguradong madadagdagan ito kung makakatabla siya kay Ivanchuk. (ARABELA PRINCESS DAWA)