PORMAL na hihiling ang Kia Motors sa PBA para pagbigyan si Manny Pacquiao na makapasok nang libre sa liga bilang playing coach ng baguhang koponan na sasabak sa darating na PBA season.
Sinabi ng team manager at business manager ni Pacquiao na si Eric Pineda na magpapadala siya ng sulat kay Komisyuner Chito Salud para makipagpulong sila sa Board of Governors ng liga tungkol sa plano nito kay Pacquiao.
“We want to know the consensus of the board about it, how we would go about it. Kasi nga we were informed by the commissioner that there are no direct hire,” wika ni Pineda sa panayam ng www.spin.ph.
“Siguro kung may concession kami na hihingin, siguro ‘yun sana payagan na lang si Manny na maglaro for Kia as playing coach. Nasa pakikiusap naman siguro yan.”
Sa ngayon ay dapat munang dumaan sa PBA draft si Pacquiao kung nais talaga siyang makapaglaro sa PBA.
Bukod dito, hindi puwedeng direktang kunin ng Kia, kasama ang North Luzon Expressway at Blackwater Sports, ang mga amatyur na manlalaro at dapat sa draft sila kukuha ng mga baguhan.
“Pero malayo pa naman ang draft. Anything can still happen. But syempre, kami umaasa that the board of governors will grant us the special concession for Manny,” ani Pineda.
“Pinag-aaralan pa naming ang lahat. May dispersal draft pa kasi kaya pati yung pagsali sa draft ni Manny, if ever, is also hanging in the balance.”
(James Ty III)