ni Peter Ledesma
Simula nang gumanda at naging palaban si Bela (Julia Barretto) sa teleseryeng “MiraBella” na pinagbibidahan ng Kapamilya young actress, na isa sa may taglay na pinakamagandang mukha ngayon sa showbiz, ay mas lalo pa itong tinangkilik at tinututukan araw-araw ng TV viewers. Kaya naman laging kasama ang said fantaserye ni Julia sa listahan ng mga nangungunang programa ngayon sa ABS-CBN.
Samantala patuloy ang kakaibang kuwento at karakter na ginagampanan ni Julia sa Mirabella. Napapansin ng maraming tagasubaybay ng naturang show ang kagandahan at pagiging masayahin sa kabila ng mga pagsubok ang panlaban at katangian na nais ibahagi ng karakter ni Julia sa top-rating fantaserye nito.
“Dapat maging positibo lang tayo lagi, anumang problema ang idulot sa atin ng ibang tao. Kapag mas nagfo-focus po kasi tayo sa magaganda at mabubuting bagay na nangyayari sa buhay natin, mas lumalabas po ang tunay na kagandahan,” say pa ng gumaganap na Mira at bilang mahiwagang katauhang si Bella.
Kinasasabikan ng mga avid and loyal followers ng Mirabella ang pagbangon ni Mira sa pamamagitan ni Bella. Ngayon ay inaabangan na kung tuluyan nang kakalabanin ni Mira ang kanyang tatay na si Alfred (James Blanco) at kapatid na si Iris (Mika dela Cruz) at kung paano niya itatago sa kanyang matalik na kaibigan na si Jeremy (Enrique Gil) na siya at si Bella ay iisa?
At tulad ng ginagampanang karakter sa serye, dumaraan din sa mga pagsubok si Julia dahil may ilang fans na hindi matanggap ang pagtatambal nila ng matinee idol na si Daniel Padilla sa TVC ng isang popular na brand ng softdrink. Siyempre, tunay na kagandahan din ang panlaban ni Julia sa tunay na buhay lalo na sa mga nagne-nega sa kanya. Mapapanood ang Mirabella bago mag-TV Patrol sa
Primetime Bida ng Kapamilya network.
MANALO NG 10K ARAW-ARAW SA “MORE FUN IDOL” SA JUAN FOR ALL, ALL FOR JUAN
‘Yung masisipag nating Dabarkads na may kanya-kanyang trabaho ang puwedeng manalo sa bagong Pakulo ng Eat Bulaga na “More Fun Idol” sa daily public service segment ng pantanghaling programa na Juan For All, All For Juan!
Isang way na rin ito ng Bulaga para pahalagaan at kilalanin ang mga hardworking nating kababayan. Tulad ng nanalo nitong Sabado, May 17, na si Enrico de Dios ng Brgy. Arkong Bato, Valenzuela City. Sampung taon na siyang jeepney driver at bawat pasada niya ay hindi lang pagda-drive ang kanyang concern sa mga pasahero kundi inaaalayan rin niya lalo ang matatanda na may mabibigat na bitbit. Kaya naman isa si Enrico de Dios sa hinahangaan ng Eat Bulaga sa kanyang kasipagan at pakikipagkapwa-tao.
Tumanggap ng premyong P10,000 cash ang nasabing winner. Kayo baka may ganito rin kayong kuwento. Abangan ang pagdating nina Dabarkads Jose, Wally at Paolo sa inyong Barangay at malay ninyo kayo na ang susunod na mabubunot sa bagong portion ng EB na puwede kayong manalo ng P10K at maging bida at huwaran sa telebisyon.