KINOMPIRMA ng isang opisyal ng ASEAN Basketball League na walang koponan mula sa Pilipinas ang lalaro sa bagong season ng liga na magbubukas sa Hulyo.
Ayon sa nasabing opisyal, kapos na sa panahon ang ABL para kumbinsihin ang mga kompanya sa Pilipinas para magkaroon ng koponan sa nasabing regional league.
Naging kampeon sa ABL ang San Miguel Beer noong isang taon ngunit umatras na ang Beermen sa liga at bumalik sila sa PBA.
Inalok ng ABL ang ilang mga grupo tulad ng MVP Group, LBC, Blackwater Sports at ang kampo ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao para magtayo ng koponan sa ABL ngunit lahat sila ay tumanggi sa alok.
Bukod dito, tig-dalawang Pinoy imports na lang ang puwedeng kunin ng ibang koponan sa ABL.
Kilala ang ABL sa pagkuha ng mga dating manlalaro ng PBA tulad nina Leo Avenido at Jai Reyes, bukod sa pagiging unang pagsabak nina Chris Banchero at Justin Melton.
Bukod dito ay naglaro rin sa ABL si Asi Taulava bago siya bumalik sa PBA para maglaro sa Air21.
Ilan sa mga koponang kasali sa ABL ngayong taong ito ay ang Satria Muda Britama ng Indonesia, Bangkok Cobras, Singapore Slingers at Westports Malaysia Dragons.
(James Ty III)